MANILA, Philippines — Sampu katao ang nasawi makaraang lamunin ng apoy ang dalawang magkatabing bahay sa sumiklab na sunog sa Muntinlupa City nitong Linggo ng umaga.
Inisyal na kinilala ang mga biktima na sina Mark Gil Ladia, 39; Cherry Ladia, 39; Leandro Jose Ladia, 15; Emmanuel Ladia, 12; Amentues Ladia, 16; Cherise Angela; Ana Ladia, 33; Gil Ladia, 68; Claire Ladia; at Jerome Ladia, 65. Sugatan naman ang isang Kenneth Perelio.
Sa ulat ni Muntinlupa City Fire Marshall Fire Supt. Eugene Briones, magkakamag-anak ang mga nasawi na natagpuan sa una at ikalawang palapag ng bahay nila sa may No. 2801 Larva Street, Bruger Subdivision, Brgy. Putatan, ng naturang siyudad.
Nabatid na isang palapag na bahay na may katabing dalawang-palapag na bahay ang nilamon ng sunog. Tatlong pamilya umano ang nakatira sa mga bahay na ito.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection, dakong alas-8:56 ng umaga nang sumiklab ang apoy sa bahagi ng kusina ng bahay at agad na nailagay sa unang alarma dahil sa bilis ng pagkalat nito.
Pitong trak ng bumbero ang rumesponde sa insidente hanggang sa makontrol ang apoy dakong alas-9:25 ng umaga at ganap na mapatay bandang alas-10:25 ng umaga.
Natagpuan ang mga bangkay sa iba’t ibang bahagi ng bahay sa ikinasang mapping operation.
Patuloy naman ang imbestigyasyon ng arson investigators sa insidente.