1-linggo bago mag-Pasko
MANILA, Philippines — Isang linggo bago mag-Pasko, tumaas pa lalo ang presyo ng lechon sa La Loma, Quezon City.
Ito’y dahil sa patuloy na pagdami ng mga umo-order para ipanghanda sa mga Christmas at New Year’s parties.
Nabatid na ang pinakamaliit na lechon na tumitimbang ng walong kilo ay nagkakahalaga na ng P8,000.
Ang pinakamalaki naman na tumitimbang ng 20 kilo ay nasa P20,000 ang presyo.
Mas mataas ito ng P2,000 mula sa dating P18,000.
Inaasahan naman ng mga tindera na lalo pang tataas ang presyo ng lechon ng mula P1,000 hanggang P5,000, depende sa timbang, habang papalapit ang Pasko at Bagong Taon.
Ayon sa mga tindera, sanhi ng pagtaas ng presyo ng lechon ay ang cost of transportation dahil galing pa sa probinsiya ang mga baboy na nile-lechon.
Nakakadagdag din anila ang travel permit ng Bureau of Animal Industry.