MANILA, Philippines — Isang reenactment ang isinagawa ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) sa diumano’y pagpatay sa drug lord na si Eugene Chua sa New Bilibid Prison (NBP), na ibinatay sa sinumpaang salaysay ng isang detainee na nagbunyag na hindi namatay sa COVID-19 ang ilang high-profile inmates kundi sadyang pinatay.
Sa ulat, kasama ng NBI-Death Investigation Division ang detainee na si Rodel Tiaga para sa ocular inspection sa Site Harry, ang quarantine facility sa loob ng NBP kung saan pinatay umano si Chua.
Sinabi ni Tiaga na siya at ang walong iba pang indibidwal ay inilipat sa isolation facility noong Mayo 23, 2020, mula sa Building 14. Itinuro niya ang lugar kung saan siya pinapuwesto at ang bahagi ng silid kung saan itinago ang mga bilanggo na pawang sangkot sa kaso ng iligal na droga.
“Dito ‘yung papuntang Site Harry. Dito sa hallway na ‘to, dito dinaraan ‘yung cadaver,” ani Tiaga.
Ikinuwento niya rin ang naging usapan nila ng drug lord na si Amin Boratong na kabilang sa napaulat na namatay sa COVID-19.
Nanindigan si Tiaga na hindi niya babawiin ang kaniyang mga naipahayag upang mabigyanng hustisya ang pagkamatay ng mga high profile inmates, sa kabila ng tatlong beses na natanggap na banta sa buhay.
“Sinamantala lang nila ‘yung pandemya na ‘yan sa pagpatay ng mga inmate na talaga namang para lang manok kung patayin. Gusto ko magkaroon ng hustisya ‘yung mga pangyayari. ‘Yung pagkamatay ng mga kasama ko sa Site Harry...Wala sir. Walang atrasan. Hanggang sa dulo haharapin ko ‘yang mga ‘yan,”ani Tiaga.
Sinabi ng NBI na tuluy-tuloy na ang kanilang imbestigasyon gaya ng pangangalap pa ng mga ebidensiya at pakikipag-usap sa mga maaring may nalalaman na maari kunan na rin ng statements, ayon sa NBI.