Simula ng Simbang Gabi, mapayapa – PNP

Libu-libong debotong Katoliko ang dumalo sa unang araw ng Simbang Gabi sa National Shrine of Our Mother of Perpetual Help sa Baclaran, Parañaque City nitong Biyernes.
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Pangkalahatang mapayapa ang unang araw ng pagdaraos ng Simbang Gabi sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ayon kay Philippine National Police spokesman P/Col. Jean Fajardo, base sa isinagawang assessment ng PNP, walang anumang insidente ng kaguluhang naitala sa iba’t ibang lugar sa bansa habang nagdaraos ng Simbang Gabi. 

“Masasabi natin na sa unang gabi hanggang kaninang mada­ling araw ng pagsisimula ng Simbang Gabi ng ating mga kababayang Katoliko ay na­ging pangkalahatang maayos naman at mapayapa. Wala po ta­yong nairecord na any unto­ward incident relating to Simbang Gabi,” pahayag ni Fajardo. 

Nasa 13,000 pulis ang idineploy ng National Capi­tal Region Police Office (NCRPO) para mangalaga sa seguridad ng mamamayan sa buong Metro Manila habang sa mga urban centers ay bantay-sarado rin ang kapulisan upang hindi makapagsamantala ang mga masasamang elemento na mambiktima ng mga sibilyan.

Inihayag naman ni PNP Chief P/ Gen. Rodolfo Azurin Jr., malaking bagay ang police visibility sa paligid ng mga simbahan upang hindi makakuha ng pagkakataon ang mga kriminal na makapambiktima sa mga potensiyal na target. 

Una rito, isinailalim sa heightened alert ng PNP ang kapulisan upang tiyakin na magiging maayos at mapayapa ang pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Ayon kay Azurin, sa loob ng siyam na araw na Simbang Gabi ay patuloy ang pagbabantay ng mga pulis sa palibot ng mga simbahan sa buong kapuluan para sa kaligtasan ng publiko.

Inatasan din niya ang lahat ng Unit Commanders ng PNP na magsagawa ng adjustments sa kanilang deployment ng mga foot at mobile patrol upang mabantayan din ang iba pang matataong lugar katulad ng mga kabi-kabilang mga Christmas party, pag extend ng oras ng mga malls, ope­rasyon ng night markets at iba pa nga­yong Kapaskuhan.

Show comments