Miyembro ng Chinese mafia, inaresto

Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang inaresto na si Andy Cheng, 38. Inaresto siya ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU) nitong Disyembre 13.
STAR / File

MANILA, Philippines — Dinakip ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na hinihinalang miyembro ng isang mafia at nagpupuslit ng kanilang mga kababayan papasok ng Pilipinas.

Kinilala ni BI Commissioner Norman Tansingco ang inaresto na si Andy Cheng, 38. Inaresto siya ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit (FSU) nitong Disyembre 13.

Itinuturo si Cheng na sangkot sa maraming insidente ng pangto-torture ng mga iligal na online gaming companies na nakunan ng video. Dati na siyang nadakip ng Philippine National Police noong Disyembre 7 sa Alabang, Muntinlupa City ngunit nakalaya nang magpiyansa matapos ang anim na araw.

Sinabi ni Tansingco na nang malaman na nakalaya si Cheng ay agad silang nagkasa ng operasyon at muli siyang inaresto dahil naman sa mga paglabag sa immigration laws.

Nabatid pa na nagpa-plastic surgery si Cheng para makaiwas sa mga awtoridad. Natagpuan din sa kaniyang poses­yon ang isang armas at mga pekeng identification cards. 

Nakaditine na si Cheng sa BI jail sa Bicutan, Taguig City habang hinihintay ang deportasyon laban sa kaniya.

Show comments