MANILA, Philippines — Isang pasaherong babae ang inaresto dahil sa pagbabayad sa taxi ng pekeng P1,000 bill sa Taguig City, kamakalawa ng umaga.
Nakapiit na sa Taguig City Police Station ang suspek na si Elizabeth De Roxas, 40.
Sa reklamo ng taxi driver na si Jefrey Andrino, 39, sumakay ang suspek sa kaniyang taxi sa Malibay St., Pasay City at nagpahatid sa Gate 3 Chino Roces Extension, sa Fort Bonifacio sa Taguig.
Nang bababa na ay nagbigay ito ng P1,000 at minamadali ang driver sa hinihinging sukli na P850.
Gayunman, ibinalik ng driver ang pera dahil sa paniwalang peke ito.
Nagtungo ang babae sa isang convenience store para magpapalit subalit bigo ito kaya binalikan ng suspek ang driver at pilit na ibinabayad ang pera na nauwi sa pagtatalo.
Humingi ng saklolo sa Taguig City Police Sub-Station 1 na naging dahilan upang arestuhin ang pasahero dahil sa pekeng pera nito.
“Atin pong pinapaalalahanan ang ating mga kababayan na siyasating mabuti ang perang tinatanggap para hindi mabiktima ng mga pekeng salapi. Tignan natin ang mga security features ng totoong pera, tulad ng security thread at watermark. Lalong lalo na ngayong kapaskuhan ay marami na naman maglalabasang pekeng pera at mga masasamang loob na magsasamantala sa paggamit nito,” paalala ni Southern Police Distric (SPD) Director, P/Brig. General Kirby John Kraft.