MANILA, Philippines — Dahil sa mga natatanggap na sumbong, muling ikinasa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang ‘Oplan Isnabero’ laban sa mga taxi driver na namimili at nangongontrata ng mga pasahero.
Ito ay sa gitna nang muling pagdagsa ng mga pasahero ngayong holiday season.
Muling nagbabala ang LTFRB na may katapat na parusa sa sinumang taxi driver na mapatutunayang namimili ng pasaherong isasakay.
Ang mga ito ay pagmumultahin ng P5,000 sa unang paglabag, P10,000 sa second offense, at P15,000 sa ikatlo kung saan maaari pang ikatanggal ng lisensiya.
Nangatuwiran naman ang ilang taxi driver na nagsabing kaya sila tumatanggi o kung minsan ay dahil sa may mga lugar na delikado nilang daanan lalo na kapag sila ay inabot ng dilim sa lansangan.
Kaugnay nito , hinimok naman ng LTFRB ang publiko na i-report agad sa kanila ang mga isnabero at nangongontratang driver sa pamamagitan ng hotline number na 1341 at QR codes na nakakabit sa mga pampublikong sasakyan.