Kaso ng HFMD sa Metro Manila, tumataas

DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.
STAR / File

MANILA, Philippines — Nakitaan nang pagtaas  ng mga kaso ng “hand, foot and mouth disease (HFMD)” sa Metro Manila makaraang maitala ito sa 155, ayon sa Department of Health (DOH).

Sa kabila nito, iginiit ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na “manageable” pa rin naman umano ang mga kaso na naitala sa pagitan ng Oktubre hanggang nitong Disyembre 6. Karamihan sa mga kaso ay mga bata na may edad 11-taong gulang pababa.  Wala pa namang naiuulat na nasawi sa pagkakasakit.

“Nakakakita tayo ng pagtaas sa hand, foot and mouth disease cases sa mga nakalipas na linggo. Pero nanati­ling walang trigger o sapat na basehan para sa ating mga lokal na pamahalaan na magdeklara ng outbreaks sa kanilang lugar,” ayon kay Vergeire.

May ilang Facebook post na kumakalat din buhat sa mga doktor na nakakatanggap ng sunud-sunod na kaso ng HFMD na ikinakabahala ng mga netizen.

Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang DOH sa mga lokal na health authorities sa Sta. Mesa sa Maynila para maberipika ang post.

Ayon sa World Health Organization, ang HFMD ay isang nakakahawang sakit na partikular na dinadapuan ang mga bata pero maaari ring mahawa ang mga adolescents at minsan ay mga matatanda.  Kabilang sa mga sintomas nito ay lagnat, pananakit ng lalamunan, mga rashes at sugat sa kamay, paa at sa puwitan.

Show comments