‘Bantay-salakay’ na sekyu, tugis!
Binabantayang botika hinoldap
MANILA, Philippines — Tinutugis na ngayon ng mga awtoridad ang isang guwardiyang bantay-salakay, matapos holdapin ang botikang kanyang binabantayan sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director PBGEN Nicolas Torre III, mahaharap sa kasong pagnanakaw ang suspek na si Eric Mercado, 35, security guard ng Integrated Industrial Security Services Inc., at residente ng Brgy. Payatas Area B, Quezon City.
Nabatid na si Mercado ay dalawang buwan pa lang umano na nagtatrabaho bilang night guard sa naturang sangay ng Mercury Drug.
Batay sa ulat ng QCPD, dakong alas-6:30 ng umaga nang maganap ang umano’y panghoholdap sa botika na matatagpuan sa E. Rodriguez Avenue corner Banawe St. sa Brgy. Doña Josefa, QC.
Sinasabing hinintay ng guwardiya ang pagdating ng mga empleyado na magbubukas ng establisimento, na sina Catherine Celis, kahera at Jerome Cejo, Assistant Branch Manager at saka isinagawa ang panghoholdap.
“Ang nangholdap sa kanila ay kanilang nightguard. Security guard ng branch. Hinintay na dumating yung mga empleyado na mag-o-open. Dumating ang officer, kasama ang isang empleyado. Pinapasok niya sa loob ng Mercury, isinarado ang pinto, tinutukan at hinoldap. Binuksan nila yung vault,” ani Torre .
Gumamit pa umano ng crowbar, martilyo, chisel at iba pang gamit ang guwardiya para sirain at mabuksan ang vault.
Maliit lamang naman umano ang halagang natangay ng suspek mula sa botika, na tinatayang aabot sa P100,000 na kaswal na tumakas matapos ang panghoholdap..
Nang maisagawa ang pagnanakaw ay kaswal lamang na naglakad ang guwardiya palabas ng botika at saka sumakay ng motorsiklo upang tumakas.
Pinutol pa umano ng suspek ang linya ng kuryente sa botika, ngunit nakuhanan na rin ng CCTV ang kanyang mukha.
- Latest