MANILA, Philippines — Tiniyak ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa publiko na ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ang pagbebenta ng mura at de-kalidad na pagkain sa lungsod.
Ginawa ni Belmonte ang pahayag nang ilunsad dito noong Huwebes ang ‘Kadiwa ng Pasko’ kung saan bumisita rin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Binigyang pagkilala ni Pangulong Marcos ang lokal na pamahalaan bilang mayroong best practices at mabilis na pagtugon sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“We have to thank siyempre ang ating mga LGU dahil sila talaga ang nag-take ng initiative nito and again to Mayor Joy Belmonte who was one of the first to put up Kadiwa, mabilis siyang nagrespond agad nung nagtataasan na ang presyo,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Isa ang Quezon City hall sa 20 lugar sa buong bansa na ginawang flagship projects sa ‘Kadiwa ng Pasko’.
“Kaya ang Quezon City medyo model namin ‘yan eh, tinitingnan namin ‘yung ginagawa ninyo because you do it on a different scale than the others. Kaya kung kakayanin nung sistema ninyo, eh kakayanin ‘yun ng mas maliliit [LGUs]. Kaya we were looking and seeing ano ‘yung mga tinatawag ko na best practices ay tinitingnan namin para mas maging maganda,” dagdag pa ng Pangulong Marcos.
Nagpapasalamat naman si Belmonte sa pagkilala ng Pangulo sa trabaho ng Quezon City government.
“Lubos kaming nagagalak dito sa Lungsod Quezon dahil isa ang QC sa mga piling lungsod na kabahagi ng programang’Kadiwa ng Pasko’ na pinangungunahan ng ating minamahal na Pangulo at ng DA. We will continue to regularly provide avenues for food producers to sell their goods directly to our QCitizens,” pahayag ni Mayor Belmonte.