MANILA, Philippines — Posibleng ikonsidera ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapatupad sa pag-ban sa mga imported na isda tulad ng salmon at pampano na maibenta sa mga palengke at supermarkets.
Ito ay matapos na kuwestiyunin ng ilang mambabatas ang naturang kautusan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kung bakit ngayon lang ito ipatutupad gayong taong 1999 pa ang nasabing polisiya.
Bagamat hindi pa malinaw, kung ano ang magiging aksyon sa kautusan, sinabi ni Agriculture deputy spokesperson Rex Estoperez na ‘kinokonsidera’ nila ang pagpapatupad ng moratorium sa imported fish ban.
Ang ban base sa kautusan ng BFAR, ay magsisimula sa Dec. 4, na nangangahulugan na bawal nang ibenta ang mga nabanggit na isda sa mga palengke at supermarkets.
“We don’t have a confirmation yet, but we are considering. Maybe this is not suitable for us now. We have to amend or we have to improve whatever is needed here,” pahayag pa ni Estoperez .
Magugunitang sa Fisheries Administrative Order No. 195, nakapaloob dito na tanging ang malalaking kompanya, hotel at restaurants ang pinapayagang magbenta ng salmon at pampano, na naglalayon umanong matulungan ang mga local fishermen na maibenta ang kanilang mga huli na local fish.
Inalmahan naman ito ng maraming mambabatas na ayon nga sa ilan ay ‘discriminatory ‘ at ‘anti poor’ kung saan nga nagkakasa ng pagdinig dito sa Kamara at Senado.