695K Christmas food packs, ipamimigay na sa Maynila

Ininspeksyon nina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang inimbakan ng mga Christmas food boxes sa San Andres gym kung saan sisimulan itong ipamigay sa mga residente ng Maynila na alay ng pamahalaang lungsod ngayong Kapaskuhan.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Ipamimigay na simula ngayong araw ang nasa 695,000 Christmas food packs sa mga residente ng lungsod ng Maynila bilang regalo ng lokal na pamahalaan.

Kahapon, nagsagawa ng inspeksyon si Manila Mayor Honey Lacuna, kasama si Vice Mayor Yul Serbo sa mga bodega kung saan nakaimbak ang daan-daang libong food packs na binili ng lokal na pamahalaan para sa mga Manileño.

Laman ng food boxes ang bigas, spaghetti noodles at sauce, corned beef, keso, fruit cocktail, at gatas, na maaaring ihanda ng mga residente lalo na ng mga mahihirap pagsapit ng Noche Buena.

Bukod dito, nasa 160,000 na hiwalay na gift boxes naman ang inilaan ng lokal na pamahalaan para naman sa mga senior citizens ng siyudad.

Sinabi ni Princess Abante, tagapagsalita ni Lacuna, na 2019 pa nang umpisahan ng lokal na pamahalaan ang pamimigay ng Christmas food boxes na walang pinipili mahirap man o may kaya na residente.

Sa kabila ng mga naunang isyu sa palakasan, ang mga opisyal ng barangay pa rin ang nagbigay ng listahan ng mga mabibigyan ng food packs at sila rin ang mamamahala sa pamamahagi ng mga ito.

“While issues in some barangay happen, mas mainam sa pangkalahatan na sa barangay ibaba dahil sila ang mas nakakaalam ng mga pamilya na nasasakupan nila,” paliwanag ni Abante.

Show comments