Biktima ng kidnap nanlaban, kidnaper arestado

Sa ulat, nakilala ang suspek na si Jose Rea, 42, at residente ng Upper Bicutan, Taguig City.
STAR / File

MANILA, Philippines — Patung-patung na kaso ang kakaharapin ng isang lalaki makaraang madakip nang manlaban ang isa sa kanyang biniktima sa Brgy. Unang Sigaw, Quezon City, kamakalawa.

Sa ulat, nakilala ang suspek na si Jose Rea, 42, at residente ng Upper Bicutan, Taguig City.

Nabatid na  dakong alas-3:30 ng madaling araw ng ang mga biktimang sina Jay Quinones; Mario Esio Angelica Nibungco at Dexter Timbas,   ay nagtungo sa Zone 7 Brgy. Lit-lit, Silang, Cavite, sakay ng asul na Mitsubishi Montero  at motorsiklo upang inspeksiyunin ang lupa na isinanla ng isang Julian Paningbatan, na kasalukuyang nakapiit sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Binigyan umano ni Paningbatan ng instruksiyon ang mga biktima na pik-apin ang kanyang mga kasamahan sa Tondo, Manila at sa mall sa Bicutan, Taguig City, upang samahan sila sa Silang, Cavite. 

Dalawang ‘di kilalang lalaki umano ang pinikap nila sa Tondo habang ang suspek na si Rea at isa pang ‘di kilalang lalaki ay pinikap naman sa mall.

Pagdating umano nila sa Silang, Cavite, may nakita pa silang dalawa pang ‘di kilalang lalaki.

Matapos umanong makausap ng mga biktima ang mga suspek ay nagpaalam na sila na aalis na.

Gayunman, tinutukan umano sila ng mga baril ni Rea at iba pang mga suspek, at saka kinuha ang kanilang mahahalagang gamit.

Piniringan din umano at itinali ng mga suspek ang mga biktima at saka nanghingi ng P2,000,000 na ransom para sa bawat isa.

Sa biyahe, nagbabaan umano ang mga kasama ni Rea, at naiwan ito at ang driver ng sasakyan.

Nang maipit naman sa traffic jam sa North Bound EDSA, sa Brgy. Unang Sigaw, Balintawak, Quezon City, nakakuha ng pagkakataon ang mga biktima, at inagaw ang baril ni Rea, at nahuli ito, habang nakatakas naman ang driver.

Nakumpiska mula kay Rea ang isang Armscor 9MM na loaded ng anim na bala, at ang Iphone ni Quinones. 

Show comments