MANILA, Philippines — Naaresto na ng pulisya ang isang vendor na itinuturong isa sa mga suspek sa pagnanakaw ng aabot sa P4 milyon cash at nang-molestiya at nanaksak pa sa mag-inang Indian national sa loob ng kanilang condo unit sa Cubao, Quezon City, kamakailan.
Ang suspek na nakilalang si Rommel Camacho, 27, vendor at residente ng 6th Floor ng New York Mansion na matatagpuan sa Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City. Nakatakda siyang sampahan ng kasong robbery with frustrated homicide at acts of lasciviousness sa piskalya.
Matatandaang batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD)-Cubao Police Station 7 (PS 7), naganap ang insidente sa pagitan ng alas-3:00 hanggang alas-4:00 ng madaling araw noong Nobyembre 17, sa loob ng condo unit ng mag-inang biktima, na hindi na pinangalanan para sa kanilang proteksiyon.
Ayon kay PEMS Vivian Umpad ng Womens and Children Protection Desk ng PS 7, mahimbing na natutulog ang mag-ina sa kanilang silid, nang magising ang ginang matapos siyang sakalin ng isa sa dalawang suspek at busalan pa sa bibig.
Nanlaban umano ang ginang kaya’t sinaksak siya ng mga ito at mawalan siya ng ulirat. Dito na isinagawa ng mga suspek ang pagmolestiya sa kaniyang anak na batang babae, at saka nilimas ang P4,000,000 cash money na nakatago sa kanilang cabinet.
Nang bumalik ang ulirat ng ginang, nagawa nitong makatawag sa mga guwardiya ng condo at ini-report ang nangyari sa kanilang mag-ina, kaya’t naisugod sila sa pagamutan. Nahuli naman ang suspek sa isinagawang follow up operation ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, habang tinutugis ang isa pa niyang kasabwat sa pagnanakaw.
Positibong kinilala ng mga biktima ang nasakoteng vendor, na natuklasang nakatira lamang pala sa katabing unit na inuupahan ng dayuhan at kakilala nila ito.