MANILA, Philippines — Bilang pagkilala sa kontribusyon ng mga senior citizens sa pag-unlad ng bansa, pinangunahan ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang pagdiriwang ng kaarawan ng may 442 senior citizens umabot sa edad na 70,80 at 90 sa San Juan City Hall Atrium.
Bukod sa selebrasyon, binigyan din ng lokal na pamahalaan ang mga ito ng cash gift para sa kanilang kaarawan.
“Ito po ay aming pasasalamat sa inyo dahil kayo po ay kinokonsidera kong aming gabay, nirerespeto namin kayo, at napakahalaga sa ating komunidad, sa ating lungsod. Nakikita natin ang tuwa ng ating mga senior citizens ngayon at hinabol talaga namin ang inyong birthday ngayong taon,” ayon pa sa alkalde.
“Ang wish ko ay maabutan ko kayong lahat ng tseke sa inyong 100th birthday. Nakakaanim na po tayong centenarians sa San Juan,” aniya pa.
Nabatid na ang mga centenarians ng lungsod ay binibigyan ng tig-P50,000 ng lokal na pamahalaan, bukod pa sa P100,000 na ipinagkakaloob ng national government.