MANILA, Philippines — Bukas na ngayong Lunes ang bagong Manila Zoological and Botanical Garden makaraang sumailalim sa renobasyon nitong nakaraang pandemya na may mga bagong alagang hayop ngunit maniningil ng mas mataas na entrance fee.
Ipinagmalaki ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Mayor Honey Lacuna, na maaaring ikumpara na ang bagong Manila Zoo sa Clark Safari sa Pampanga dahil sa ganda nito at kung magkakaroon ng iba pang improvements ay target nilang abutin ang istatus ng Singapore Zoo.
“Nandoroon pa rin ‘yung mga usual na mga animals na nandidiyan pero we have new animals..aside from Kois, meron tayong I think bagong white bengal tiger na dumating, zebra, may mga ostrich pang darating, may bagong 18 foot crocodile and other freshwater reptiles I think,” ayon kay Abante.
Sa kabila nito, sisingil na ang Manila Zoo ng P150 entrance fee sa mga residente ng Maynila at mas mataas na P300 sa mga hindi residente. Inangalan naman ito ng marami na nasanay sa mababang singil sa entrance fee ng zoo.
“We have to understand na may upkeep ang Manila Zoo, kahit kayo may mga pets na aso o pusa alam nyo kung gaano kamahal mag-alaga. At the very least, magkaroon tayo ng maintaining na income na papasok para mapangalagaan ang ating mga (hayop), aside from na na-rehabilitate ang Manila Zoo, we need to make sure na mamaintain ‘yung upkeep ‘yung ganda ng Manila Zoo,” giit pa ni Abante.
Kung ililibre umano ang entrance fee para sa lahat, malaki ang posibilidad na hindi mapangalagaan ang mga pasilidad at ang mga hayop at maaari pang maireklamo ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng mga animal rights advocates.
Kasama rin sa rates ang P100 fee sa mga estudyante na taga-Maynila, P200 sa mga estudyante na hindi taga-Maynila, 20% discount sa lahat ng senior citizens, at libre na sa mga bata na dalawang talampakan pababa ang taas.