Kumalas sa humihilang MMDA tow truck
MANILA, Philippines — Lasog ang isang motorcycle rider makaraang maatrasan at magulungan ng isang 14-wheeler na truck na may lulang buhangin nang kumalas ito mula sa humihilang tow truck ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Hindi na umabot pang buhay makaraang isugod sa pagamutan ang hindi pa pinangalanang biktima habang inaabisuhan ang kaanak nito. Matinding pinsala sa ulo at katawan ang naging sanhi ng kamatayan nito.
Arestado naman ang suspek na si Rolando Llanera, 59, ng MMDA road emergency group.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 4, pasado alas-9:10 ng umaga nang maganap ang insidente sa Aurora Boulevard, sa panulukan ng Broadway Avenue sa Brgy. Valencia, sa Quezon City.
Ayon sa rescuer ng MMDA na si Oscar Ilagan Jr., bago ang insidente ay nasiraan ang truck ng buhangin sa lugar ng San Juan City, kaya’t kinailangan itong hilahin ng tow truck ng MMDA.
Gayunman, pagkanan umano ng tow truck sa Broadway Avenue, ay kumalas ang truck mula sa tow truck nang masira ang tow bar nito.
Dito na dumausdos ang truck at naatrasan ang apat na motoristang nasa likod nito.
Nakaligtas naman ang tatlo sa mga rider habang minalas na mapuruhan at pumailalim ang biktima, hanggang sa kumalso sa gulong ng truck.
Wasak din ang mga motorsiklo at dalawa pang sasakyan, na nasangkot sa aksidente.