EDSA Ayala Busway station, operational na - DOTr

MANILA, Philippines — Nagsimula nang mag-operate kahapon ang EDSA Ayala Busway station, na inilipat sa loob ng One Ayala building sa Makati City.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ito’y matapos ang ginawang pagpapasinaya sa naturang busway station ka­makalawa, sa pangu­nguna nina Transportation Secretary Jaime J. Bautista at Ayala Land President Bernard Vincent Dy.

Sa isang pahayag, sinabi ng DOTr na ang renovated busway station ay bahagi ng mas malaking passenger terminal facility, na One Ayala Terminal, na isang intermodal transport hub na kayang magsilbi sa mahigit 300,000 libong pasahero kada araw.

Itinayo anila ito ng Ayala Land upang makapagbigay ng kumbin­yente, kumportable, ligtas at tuluy-tuloy na biyahe mula at patungo sa premier business district ng bansa.

Sinabi naman ni Dy kay Bautista na ang terminal ay kinabibilangan din ng kumbinyenteng koneksiyon sa iba pang public utility vehicles (PUV).

Aniya, ang vision ng Ayala Land noon pang 1960s ay gamitin ang naturang property sa kanto ng EDSA at Ayala Avenue upang tumulong sa mga commuters sa kanilang pagbiyahe mula at patungo sa Makati Business District.

Kaugnay nito, muli rin inianunsiyo ni Bautista na ang Libreng Sakay sa EDSA Busway ay gagawin na nilang 24/7 sa buong buwan ng Dis­yembre.

“This One Ayala EDSA Busway Station reinforces our commitment to provide Filipinos with affordable, safe, comfortable and convenient transport. We look forward to the full operations of this station,” anang kalihim.

Show comments