Siklista, lasog sa trailer truck

Sa ulat ng Manila Police District- Traffic Enforcement Unit, binabagtas ng biktima at ng suspek na nagmamaneho ng trailer truck ang Mel Lopez Blvd. dakong alas-11:45 ng gabi nang pagsapit sa kanto ng Gate 6 ay nasagi ng huli ang bisikleta.
Photo Release

MANILA, Philippines — Patay ang isang 19-anyos na lalaki makaraang mabundol at magulungan ng isang trak habang nagbibisikleta siya sa Mel Lopez Boulevard sa Port Area, Maynila kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang nasawi na si Allen Tactaquin Baraguir, nakatira sa M. Meneses Street, Baseco Community, Bagong Lupa, Port Area, Maynila habang hawak na ng mga awtoridad ang suspek na driver na si Marvin Alcubilla, 40, nakatira sa Golden Acres, Brgy. Talon Uno, Las Piñas City.

Sa ulat ng Manila Police District- Traffic Enforcement Unit, binabagtas ng biktima at ng suspek na nagmamaneho ng trailer truck ang Mel Lopez Blvd. dakong alas-11:45 ng gabi nang pagsapit sa kanto ng Gate 6 ay nasagi ng huli ang bisikleta.

Dito pumailalim ang biktima sa trak hanggang sa magulungan pa.  Isinugod pa si Baraguir sa Ospital ng Maynila ngunit idineklara nang walang buhay.

Depensa ni Alcubilla, hindi umano niya nakita ang bisikleta ng biktima dahil sa sumingit ito sa kaniyang “blind sight” habang paliko.

Sa kabila nito, nahaharap ngayon sa kasong homicide through reckless imprudence si Alcubilla sa Manila City Prosecutors office.

Show comments