MANILA, Philippines — Pinagdadampot ang daan-daang mga katutubong Badjao na dumagsa na sa mga lansangan ng Maynila at iba’t ibang lugar sa Metro Manila para mamalimos ngayong Kapaskuhan.
Bilang pagtalima sa “Oplan Sagip Kalinga” base sa isang Executive Order ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, inikot ng mga tauhan ng Manila Police District-Raxabago Police Station at Manila Department of Social Welfare (MDSW) ang mga pangunahing lansangan.
Dito umabot sa halos 300 indibidwal ang kanilang nasagip mula sa kalsada at dinala sa Delpan Complex sa Binondo sa pangangalaga ng MDSW kung saan inaalam ang kanilang mga impormasyon bago sila pabalikin sa kanilang mga probinsya.
Ayon kay MDSW Director Asuncion Fugoso, nakatanggap umano sila ng ulat sa pagdagsa ng mga Badjao na tuwing magpa-Pasko upang mamalimos sa mga pangunahing lansangan na karaniwang gamit pa ang kanilang sanggol bilang pagmamakaawa.
Sa isinagawang rescue operation, natuklasan nina Director Fugoso at Col. Jun Ibay, commander ng Raxabago Police station, na kinukupkop ng ilang mga residente ng Barangay 123 sa Tondo ang mga pamilyang Badjao kapalit ng P50 kada ulo isang araw.
“Yung mga kumukupkop, hindi talaga mga taga-Maynila ang mga yan, dumayo lang at nang makapag-settle dito sa Claridel na kilalang squatters area, sila naman ang nagparenta sa mga Badjao,” pahayag ni Ibay.
Sa gitna ng pagsagip sa mga Badjao, natuklasan ng MDSW at pulisya ang nakakarimarim na kondisyon sa naturang lugar na inuupahan ng mga ito, dahil kahit saan na lamang ay itinapon nila ang kanilang mga dumi na panganib din sa kalusugan ng mga mamamayan sa lugar.
Nilinaw naman ni Fugoso na hindi isinasailalim sa diskriminasyon ng lokal na pamahalaan ang mga Badjao, subalit dahil sa nilalabag nila ang umiiral na Ordinansa ng lungsod at maging ng Pambansang Batas na nagpaparusa sa mga magbibigay at tumatanggap ng limos, kinakailangan lamang na iligtas at ibalik sila sa kani-kanilang mga lalawigang pinanggalingan.