MANILA, Philippines — Bumagsak sa kulungan ang dalawang dating tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) nang mahuli sila sa akto na nanghuhuli at nangongotong sa mga motorista kahapon ng madaling araw sa Pandacan, Maynila.
Nakilala ang mga naaresto na sina Rocky Macarian, 34, at Jeromie Millel, 43, ng Concha Street, Tondo. Nabatid na parehong dating miyembro ng MTPB ang dalawa na nasibak sa trabaho dahil sa mga kaso ng pangongotong.
Sa ulat ng Manila Police District- Special Mayors React Team (SMaRT), dakong alas-3 ng madaling araw nang magkasa ng operasyon ang Special Operations Group ng MTPB sa may Quirino Avenue sa Pandacan bilang bahagi ng kanilang kampanya laban sa mga dati nilang tauhan na patuloy na nagpapanggap na traffic enforcers at nangongotong ng mga motorista.
Ayon kina Lvin Vicquerra at Reynald Dolleton, nahuli nila sa akto ang dalawang suspek na nakasuot ng MTPB uniform na namamara ng mga trak sa naturang lugar. Nang kanilang lalapitan ang dalawa, bigla umanong lumayo sila at nagtanggal ng kanilang suot na uniporme.
Nagkaroon ng habulan hanggang sa tuluyang masakote ang dalawa. Dito hindi makapagbigay ng MTPB ID ang dalawa at mission order kaya ipinatupad ang pagdakip sa kanila at isinuko sa MPD-SMaRT. Sasampahan ng kasong paglabag sa Usurpation of Authority of Official Functions at Illegal Used of Uniform and Insignia.