Drones, ginagamit sa pagpupuslit ng ilegal na droga sa bilangguan - BJMP
MANILA, Philippines — Maging ang mga drones ay ginagamit na rin umano upang makapagpuslit ng ilegal na droga sa mga inmate sa loob ng bilangguan.
Ito ngayon umano ang binabantayan ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
“Iyong mga personnel na naka-assign, isa ito sa binabantayan nila. Pwede naming barilin ‘yan o pabagsakin ‘yan,” ayon kay BJMP spokesperson Superintendent Xavier Solda, sa panayam sa telebisyon.
Sinabi ni Solda na may mga pagkakataon na may pinabagsak na drones ang mga jail personnel, gamit ang mga rubber bullets.
Aniya, ang mga naturang ‘unmanned aerial vehicle’ ay ipinagbabawal sa loob ng bilangguan at sa kanilang kapaligiran.
Anang BJMP, makatutulong ang cellphone jammers para hadlangan ang operasyon drones.
Gayunman, iilan lamang sa may 477 jail facilities sa bansa ang mayroong jammers.
Sinabi pa ni Solda na ngayong palapit na ang kapaskuhan, nakaalerto rin ang kanilang mga personnel upang hadlangan ang pagtatangkang magpuslit ng ilegal na droga at mga kontrabando sa piitan.
Nagbabala naman si Solda na ang sinumang mahuhulihang nagtatangkang magpuslit ng ilegal na droga sa bilangguan ay tiyak na makukulong din.
- Latest