Iskul sa Taguig, nakatanggap ng bomb threat

MANILA, Philippines — Pinauwi ang mga estudyante at guro sa isang paaralan sa Taguig City dahil sa banta na papatayin ang lahat ng mga mag-aaral dito, tulad ng naganap sa Thailand, sa mensaheng ipinadala sa isang Facebook live ng isang pinaniniwalaang dummy account user, kahapon ng umaga.
“Kagaya ng nangyare sa Thailand humanda kayo magpapasabog ako diyan sa signal, papatayin ko kayong lahat,” saad sa isa sa mensahe ng isang “Sofia Smith”, na inaksyunan naman ng Taguig City Police.
Nabatid na kaagad tinungo ng Taguig City Bomb Squad ang Signal Village National High School main building at annex building para pauuwiin ang lahat ng nasa loob ng paaralan.
Ang SVNHS na may populasyong mahigit 9,000 na binubuo ng elementary, junior high school, at senior high school, ay matatagpuan sa Ballecer Street, Central Signal Village, Taguig City.
Pinakilos na rin ang Southern District Anti-Cybercrime Team ng Taguig Police para matukoy ang nasa likod ng pagbabanta, na ayon sa inisyal na ulat ay nag-deactivate na ang isang “Sofia Smith” account sa FB.
Matatandaang noong nakalipas na buwan nang maganap ang pag-massacre ng isang dating pulis sa 38 katao, kabilang ang kaniyang sarili, 24 na estudyante ng daycare at 13 iba pa, sa Nong Bua Lam Phu Province, Bangkok, Thailand.
“We are currently conducting validation of the screenshot of the comment message circulating online and also an in-depth investigation with the PNP-Anti-Cybercrime Group on the immediate identification of the suspect. I have also directed and alerted the Commander of Sub-Station 6, SWAT and EOD/K9 team to conduct panelling and patrolling in all schools in taguig, especially in Signal Village,” ani Taguig City Police Station chief, P/Colonel Robert Baesa.
- Latest