Free rides ng LRT-2 sa studes hanggang Sabado na lang!
MANILA, Philippines — Nakatakda nang magtapos bukas, Sabado, Nob. 5, ang Libreng Sakay Program ng Light Rail Transit Authority (LRTA) para sa mga estudyante.
Ito ang ipinaalala ng LRTA sa publiko kahapon, sa pamamagitan ng isang advisory na ipinaskil nito sa kanilang social media accounts.
Ayon sa LRTA, sa ngayon ay umabot na sa 1,527,219 ang nakinabang sa libreng sakay ng LRT-2, sa loob lamang ng 58 na araw, o simula nang ipatupad ang programa.
Matatandaang ipinatupad ng pamahalaan ang libreng sakay noong Agosto 22, o ang unang araw nang pagbabalik-eskwela ng mga estudyante, alinsunod na rin sa kautusan ni Pang. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Layunin nitong makatulong sa mga mag-aaral na naapektuhan ng pandemya, gayundin ng mga magulang sa gitna ng tumataas na presyo ng gasolina at pangunahing bilihin.
Kaugnay nito, sinabi ng LRTA na kahit tapos na ang kanilang libreng sakay program ay maaari pa rin namang mag-avail ang mga estudyante ng 20% na diskwento kung sasakay ng mga tren ng LRT-2 simula sa Nobyembre 6.Anang LRTA, kinakailangan lamang ng mga estudyante na ipakita ang kanilang school ID o proof of enrollment sa Passenger Assistance Office o Ticket booth upang mabigyan ng discount.
Ang LRT-2 ang siyang nag-uugnay sa Recto, Maynila at sa Antipolo City.
- Latest