‘No face mask, no entry’ policy paiiralin sa mga sementeryo sa Pasig
MANILA, Philippines — Hindi makakapasok sa alinmang sementeryo sa Pasig City ang sinumang indibidwal na hindi magsusuot ng face mask sa pagbisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon sa Pasig government, hindi dapat pagmulan ng hawaan ng COVID-19 ang dagsa ng mga tao sa mga sementeryo ngayong Undas.
Sa inilabas na kautusan, sinabi ng Pasig Public Information Office na ipatutupad nila ang ‘no face mask, no entry’ policy. Ito’y kahit na optional na ang pagsusuot ng face mask sa outdoor area.
Bukod sa pagsusuot ng face mask, pinaiiwas din ng Pasig LGU ang mga bibisita na magkumpulan sa isang lugar.
Hinimok din nila ang mga ito na mag-sanitize at sumunod sa ‘proper cough etiquette’.
Para naman sa mga indibidwal na may flu-like symptoms, pinaiiwas na silang pumunta sa mga sementeryo at pinapayuhan na manatili na lamang sa kanilang tahanan upang hindi na makahawa.
Gayundin, pinapakiusapan nila na kung maaari, ipagpaliban muna ng mga hindi pa bakunado, senior citizen at mga bata ang pagpunta sa mga sementeryo mula October 29 hanggang 2, 2022 kung kailan inaasahan ang pagdagsa ng mga tao.
- Latest