MANILA, Philippines — Magsasagawa ng pagbabago sa oras ang mga shopping malls sa Metro Manila dahil sa inaasahang pagdami lalo ng sasakyan sa mga kalsada habang papalapit ang panahon ng Kapaskuhan.
“Mall hours in the National Capital Region will be adjusted to 11 a.m. to 11 p.m. during weekdays starting November 14, 2022 until January 6, 2023,” ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Biyernes.
Sinabi ni MMDA spokesperson Mel Carunungan na inaasahan na lalo lang magsisikip ang trapiko ngayong “Ber Months” dahil sa inaasahan na aabot sa 50,000 ang sasakyan na bibiyahe sa mga kalsada.
Ito ay dahil sa pag-uumpisa nang mamili ng mga tao ng mga panregalo at dekorasyon para sa darating na Pasko bukod pa sa mas maaagang selebrasyon.
Inabisuhan din ang mga mall owners na magsagawa ng “discount sales” tuwing weekends para hindi sumabay sa pasok ng mga manggagawa.
Dapat abisuhan din ng mga mall owners ang MMDA sa iba nilang mga aktibidad para makatulong ang ahensya sa traffic management.