‘Drone Squadron’, inilunsad ng QCPD

Ipinakita ni QCPD District Director Nicolas Torre III sa mga mamamahayag ang mga drone na magiging katuwang nila sa pagbibigay seguridad sa publiko at pagsawata sa kriminalidad sa lungsod.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Inilunsad ng Quezon City Police District (QCPD)  sa pangunguna ni P/BGen. Nicolas Torre III, ang kanilang sari­ling ‘drone squadron’ sa Camp Karingal sa Sikatuna Village, nabatid kahapon.

Ayon kay Torre, ide-deploy nila ang mga drones upang magbigay ng seguridad sa publiko at sawatain ang kriminalidad sa lungsod.

“We will deploy drones as they are very useful to possess the ability to reach areas by just merely controlling them. Also, they can be used for surveillance and other operations pertaining to police works,” ayon kay Torre.

Mismong si Torre rin ang nag-demonstrate kung paano gamitin ang mga drones.

Nabatid na ang drone squadron ay binubuo ng anim na grupo na pamumunuan ni P/Lt. Virgilio Mendoza. 

Tiniyak naman ni Torre na ang mga drone pilot operators ay si­nanay ng maayos.

Una anila itong ide­deploy sa Undas at magpapadala ito ng live feed sa command center. 

Ang drones ay ipapakalat sa iba’t ibang sementeryo, kolumbaryo, at mga lugar kung saan magtitipon-tipon ang mga tao sa Undas, at magsisilbing ‘eye in the sky’ ng mga awtoridad para sa anti-crime ope­rations.

Nagsagawa rin ng simulation Exercises sa Integrated Command and Control Center (IC3). 

May kabuuang 20 drone ang naka-deploy na sa limang semen­teryo sa lungsod. 

Gagamitin din naman ang mga drones sa pagbibigay ng seguridad sa panahon ng Kapaskuhan.

Show comments