Higit 300 bilanggo, napalaya ng BuCor
MANILA, Philippines — Nasa kabuuang 357 persons deprived of liberty (PDLs) ang pinalaya mula sa iba’t ibang pambansang piitan sa bansa kahapon.
Sa datos ng Bureau of Corrections (BuCor), nasa 102 PDLs ang nakalaya mula sa New Bilibid Prison (NBP) kung saan 15 ang pinalaya dahil sa parole, habang ang 87 iba pa ang nakakumpleto na ng kanilang sentensya.
Sa Davao Prison Colony and Penal Farm ay may 136 PDLs naman ang pinalaya, kung saan 71 ang nabigyan ng parole at ang 65 ay nakapagsilbi na ng sentensya.
Ang pagpapalaya ay halos kaalinsabay sa pagdiriwang ng bansa sa ika-28 National Correctional Consciousness Week.
Dapat sana’y nasa 450 PDLs ang planong palayain, ngunit hindi ito nangyari dahil sa kakulangan ng clearance.
“That’s why we want to digitize everything. Huli na tayo sa deadline. Sabi ko nga deadline is always yesterday. But this is a continuing effort. Every month, gagawin natin to. Hangga’t talagang we are on schedule for everything,” Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
“We will just announce it. Meron ho tayong pinalaya, especially kasi kailangan nalalaman kung sino ang nagbigay ng pardon tsaka parole para alam din ng taumbayan,” dagdag pa nito.
- Latest