Manila North Cemetery muling isinara
MANILA, Philippines — Nagkaroon ng tensyon sa entrada ng Manila North Cemetery kahapon dahil sa pagkadismaya ng marami makaraang ipagbawal na ng pamunuan nito ang paglilinis, pagpipintura at renobasyon ng mga puntod.
Naging mahigpit ang inspeksyon ng mga tauhan ng pamunuan ng MNC nang harangin at ipagbawal na makapasok ang anumang gamit panglinis at pintura na bitbit ng mga taong nais makapasok.
Tanging mga indibiduwal na dadalaw para magdasal at makilibing lamang ang pinayagang makapasok sa sementeryo.
Nagpahayag ng pagkadismaya ang ilang kaanak ng mga nakalibing lalo na ang galing pa sa malalayong lugar sa pagbabawal na ito sa kabila na matagal na itong inanunsyo ng pamunuan ng Manila North Cemetery.
Ang iba naman ay naunawaan ang polisiya lalo na ang mga may inaarkilang caretaker ng mga puntod ng mga kaanak.
Humingi ng pang-unawa ang pamunuan ng Manila North Cemetery para maaga umanong ma-organisa ang sementeryo bago ang inaasahang buhos ng mga gugunita ng Undas mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2.
“Hanggang October 25 lang po talaga maglinis, bukod do’n wala na po kaya po hinaharang namin sila sa gate,” ayon kay Elmer Quintos, officer-in-charge ng Manila North Cemetery Security.
- Latest