MANILA, Philippines — Inilabas na ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ang iskedyul ng biyahe ng kanilang mga tren para sa Undas 2022.
Sa paabiso ng MRT-3, ang kanilang mga tren ay mag-ooperate base sa kanilang regular holiday at weekend schedules ngayong Undas 2022.
Alinsunod sa Undas Schedule ng MRT-3, mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 1, 2022, ang unang biyahe ng tren mula sa North Avenue, Quezon City ay ganap na alas-4:38 ng madaling araw habang ang huling biyahe naman ay ganap na alas-9:30 ng gabi.
Ang unang biyahe naman ng tren mula sa Taft Avenue sa Pasay City ay ganap na alas-5:19 ng madaling araw habang ang last trip ay alas-10:09 ng gabi.
Kasabay nito, siniguro ng MRT-3 na handang-handa na sila sa pagpatupad ng “Oplan Biyaheng Ayos” para sa Undas, upang tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng mga pasaherong sumasakay ng tren.
Ayon kay MRT-3 General Manager (GM) Engr. Federico J. Canar, Jr., ang bilang ng mga kawaning nakatalaga ay sapat upang magarantiya ang walang patid na serbisyo sa mga ticketing booth, at mapatupad ang minimum public health standards sa buong linya.
Samantala, sa advisory naman ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na siyang nangangasiwa sa operasyon ng LRT-2, nabatid na ang naturang rail line ay magpapatupad ng regular na operasyon ngayong Undas.
Layunin anila nitong matiyak na maserserbisyuhan ang mas maraming pasahero.
Ayon sa LRTA, ang unang biyahe mula sa Recto Station sa Maynila at Antipolo City sa Rizal, ay aalis ng alas-5:00 ng madaling araw.
Ang huling biyahe naman mula sa Antipolo ay alas-9:00 ng gabi habang ang last trip mula sa Recto ay alas-9:30 ng gabi.
Pagtitiyak pa ng LRTA, may sapat na bilang ng mga empleyado sa lahat ng istasyon ng LRT-2 partikular na sa ticketing booths upang hindi maantala ang serbisyo nito ngayong ‘Long Undas Break.’
Patuloy rin anilang aalalay at tutugon sa pangangailangan at hinaing ng mga pasahero ang mga security marshall sa loob ng tren at iba pang frontline personnel ng LRTA.