MANILA, Philippines — Tiniyak ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na handa na ang sektor ng transportasyon sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero na uuwi sa kani-kanilang probinsiya sa Undas.
Ayon kay Bautista, pinalawak na nila ang air, land, at sea travel units upang ma-accommodate ang bilang ng mga pasahero na inaasahang bibiyahe sa Undas.
Ani Bautista, ang mga paliparan ay naghanda na ng mas maraming flights, gayundin ang land transportation, na magpapabiyahe ng mas maraming bus at mga jeepney.
Ang mga barko aniya, lalo na ang mula sa Batangas patungong Mindoro at iba pang destinasyon sa South Luzon, ay naghanda na rin ng suporta para sa pangangailangan ng mga mananakay sa Undas.
Maglulunsad na rin aniya ngayong linggong ito ang mga travel ports ng kanilang taunang “Oplan Biyaheng Ayos” para sa pagkakaloob ng tulong na maaaring kailanganin ng mga biyahero.
Una na rin namang nagkaloob ng special permits sa mga karagdagang bus ang Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) para mas maraming pasahero ang mapagsilbihan sa nasabing okasyon.