Hand, foot and mouth disease sa Batangas, patuloy ang pagtaas

MANILA, Philippines — Patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng “hand, foot and mouth disease (HFMD)” sa lalawigan ng Batangas makaraang maitala na ito sa 91 kumpirmadong kaso bukod pa sa mga pinagsususpetsahan, ayon sa Department of Health (DOH).

Sa opisyal na datos ng DOH, mayroong 49 kaso sa bayan ng San Pascual at 42 naman sa Batangas City.

Sinabi ni Dr. Voltaire Guadalupe, ng DOH-Calabarzon na ang mga kasong ito ay mga naisailalim na sa “clinical diagnosis” bagaman wala pang laboratory testing.

Ayon mana sa Municipal Health Office ng bayan ng San Pascual, umakyat na sa 149 ang pinagsususpetsahang kaso ng HFMD sa kanila.

“Suspected — ito po ‘yung pumapasok sa case definition po ng hand, foot, and mouth disease na may fever, rashes po sa katawan, and mouth sores,” paliwanag ni San Pascual municipal health officer Dr. Joan Stephanie Matira.

Nagpadala na sila ng mga samples para isailalim sa pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na kapag nagpositibo ay maaari nang sabihing kumpirmadong kaso ng HFMD.

Upang makaiwas pa sa dagdag na mga kaso, patuloy ang paglilinis ng lokal na pamahalaan sa mga pampublikong paaralan sa bayan lalo na ang may mararaming suspected cases.

Sa Batangas City, may 76 suspected cases at 117 kaso na under monitoring. Patuloy rin ang disinfection sa mga paaralan sa siyudad.

Show comments