MANILA, Philippines — Basag ang bungo ng isang motorcycle rider nang magulungan ang ulo ng isang truck, sa Tondo, Maynila, kahapon.
Kinilala ang nasawi na si Manuel M Pepito Jr., residente ng Marilao, Bulacan.
Sa inisyal na ulat ng Manila Traffic District Enforcement Unit, dakong alas-10 ng umaga nang maganap ang insidente sa southbound lane ng Mel Lopez Boulevard, sa Tondo, sa tapat ng DPWH warehouse.
Binabaybay umano ng biktima ang nasabing lugar sakay ng kanyang motorsiklo nang madulas at bumagsak sa sementadong kalye, sakto namang kasunod nito ang isang elf truck na kargado ng LPG tanks, na minamaneho ng isang Eric Madrid, na nakasagasa sa kaniya.
Nasa kustodiya na ng MDTEU ang driver ng truck na iniimbestigahan kung saan patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.