Modernisasyon ng PUVs bubuhayin, phaseout ng jeepney tuloy - DOTr
MANILA, Philippines — Muling isusulong at palalakasin pa ng Department of Transportation (DOTr) ang modernisasyon ng mga public utility vehicles (PUVs) matapos na maantala ito noong panahon ng administrasyong Duterte bunsod na rin ng COVID-19 pandemic.
Matatandaang ang naantalang programa ay naglalayong mapalitan ang mga lumang jeepneys ng mga modernong jeepney na gumagamit ng cashless payment system at mayroong GPS tracking device.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, ito ay mahalagang proyekto ng DOTr.
Nakikipagtulungan na aniya sila sa ilang grupo na mayroon ng mga electric vehicles.
“It’s an important project of the DOTr as far as having electric vehicles for public utility...We’re working with certain groups already that have acquired electric vehicles,” ayon kay Bautista, sa isang luncheon na inorganisa ng European Chamber of Commerce of the Philippines.
Ang naturang programa ay una nang tinutulan ng mga jeepney drivers dahil sa mahal ang mga naturang modernized jeepneys.
Sinabi naman ni Bautista na nakikipag-ugnayan na sila sa isang transport cooperative na nagnanais na mag-angkat ng mga electric mini buses mula sa China.
Naghihintay na lamang aniya ito ng financing support mula sa Landbank at Development Bank of the Philippines.
Ayon sa DOTr, sa kasalukuyan ay mayroon nang 6,000 modernized jeepneys na nag-o-operate sa bansa.
- Latest