MANILA, Philippines — Nasa 35 pang karagdagang firetrucks ang itinurn-over ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Bureau of Fire Protection (BFP) upang palakasin pa ang kanilang firefighting capabilities.
Mismong si DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang nanguna sa ceremonial turn-over ceremony ng mga naturang firetruck sa BFP National Headquarters sa Quezon City.
Ayon kay Abalos, ang pagbili sa mga naturang firetrucks, na ipapamahagi sa ilang piling lungsod, ay bahagi ng modernization program ng BFP upang maabot ang ideal ratio na 1 truck ng bumbero sa bawat lungsod o munisipalidad.
“At the end of the day, we want to give our people a sense of security and safety that the BFP is at their service and is ready and equipped to help them during fire emergencies,” dagdag pa niya.
Nabatid na kabilang sa mga mabibiyayaan ng firetruck ay ang Region 1, Region 5, at Region 8 na tatanggap ng tig-apat na firetrucks; tig-isa naman ang ipagkakaloob sa Region 2, Region 11, Region 22, Caraga, at National Capital Region; tig-tatlo sa Region 3, Region 7, at Region 10; lima sa Calabarzon; at tig-dalawa sa Region 6 at Region 9.
Ang mga firetrucks ay mayroong diesel type engine na equipped ng exhaust gas recirculation system at Euro IV compliant kabilang ang 4,000-liter capacity water tank, fire pump system na may round the pump foam proportioning system, 200-liter foam tank, firefighting equipment, tools at mga accessories na gumagamit ng angkop na fire service standards na adaptable sa kondisyon sa Pilipinas.
Kaugnay nito, sa nasabing seremonya, hinikayat din ni Abalos ang mga LGUs na pumasok sa usufruct agreement sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine National Police (PNP) o BFP para sa pagtatayo ng mga building fire, police at jail stations.
“Magtulungan po tayo para masolusyonan ang mga isyu at problema ng ating bansa lalong-lalo na ang tungkol sa kaligtasan at kapanatagan ng loob ng ating mga mamamayan,” aniya.