DENR ipinatigil ang mining ops ng Chinese company sa Zambales
MANILA, Philippines — Pinatitigil ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mining operation ng isang Chinese company sa Zambales dahil sa paglabag sa umiiral na environmental laws sa bansa.
Sa ‘cease and desist’ order na pinalabas ni Engineer William Cuñado, hepe ng DENR- Environmental Management Bureau (EMB), inatasan nito ang Yinglong Steel Corp na huminto dahil ilegal ang ginagawang pagmimina.
Ayon sa DENR sa isinagawang imbestigasyon nadiskubreng walang kaukulang government permits ang Yinglong, gaya ng Environmental Compliance Certificate para maging legal ang kanilang mining operation.
Napag-alaman din ng ahensya na umabot na sa 88 ektarya ang hinukay at nasira ng Yinglong sa kanilang illegal operation para maghanap ng mineral na nickel na ibinebenta sa buyers sa bansang China.
Bago ang stop order ng DENR ang ilegal na pagmimina ng nasabing kompanya sa bulubunduking lugar ng bayan ng Sta. Cruz at Candelaria, Zambales ay ugat ng reklamo mula sa ilang grupo ng environmentalist at residente malapit sa mining site. Dahil sa walang hintong paghuhukay ng naturang mining company ay naapektuhan ang kanilang kabuhayan, nasira ang mga pananim na tangi nilang pinagkakakitaan para buhayin ang kanilang pamilya. Nangangamba ang mga environmentalist at mga residente sa lugar na kung hindi mahihinto ang operasyon ng Yinglong ay baka matulad ang Zambales sa mga lugar na naging biktima na ng trahedyang baha at landslide dulot ng mga nasira nang kapaligiran dahil sa illegal mining.
Ipinag utos na rin ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay DENR Secretary Maria Antonia Yulo - Loyzaga na imbestigahan ang mga mining firm na patuloy na sumasalungat sa environmental laws, kasama dito ang Yinglong Steel Corp.
- Latest