Quezon City fire: 6 magkakaanak patay
MANILA, Philippines — Anim katao, na pawang magkakamag-anak, ang nasawi nang makulong sa nasusunog nilang bahay sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Tumanggi na muna ang mga awtoridad na ipabanggit ang mga pangalan ng mga biktima dahil hindi pa umano naiimpormahan ang mga kaanak ng mga ito na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Kabilang sa mga nasawi ang tatlong bata na nagkakaedad 2, 7 at 12, ang kanilang mga magulang at ang 79-anyos nilang lolo.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong ala-1:54 ng madaling araw sa bahay ng mga biktima sa Villa Corina Subdivision sa Brgy. Pasong Tamo.
Ayon sa mga kapitbahay, sinubukan nilang sagipin ang mga biktima, na pinaniniwalaang natutulog pa nang sumiklab ang sunog.
Gayunman, hindi napasok ng mga kapitbahay ang bahay dahil nakakandado ang pinto nito.
Ayon sa mga arson investigators ng BFP, maaaring nagtangkang lumabas mula sa nasusunog nilang bahay ang mga biktima, base na rin sa lokasyon, kung saan natagpuan ang kanilang mga bangkay.
Anila, ang dalawa sa mga biktima ay nakita sa ground floor, dalawa ang nasa hagdanan na kinabibilangan ng ina at ang kanyang 2-anyos na anak, at habang ang dalawa pang menor-de-edad nasa ikalawang palapag.
Posible rin anilang na-suffocate ang mga biktima at nawalan ng malay kaya’t hindi na nakalabas at tuluyang natamaan ng mga debris mula sa nasusunog na tahanan.
Nabatid na umabot lamang sa unang alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-3:20 ng madaling araw.
Patuloy pa namang nagsasagawa ng imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang pinagmulan ng sunog.
Batay sa pagtaya ng BFP, aabot sa P1.5 milyon ang halaga ng mga ari-ariang napinsala ng sunog.
- Latest