MANILA, Philippines — Dalawa katao ang nasawi, kabilang ang isang 9-anyos na batang lalaki, habang dalawa pa ang nasugatan matapos na pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan ang kanilang tahanan sa lungsod ng Navotas nitong Biyernes ng gabi.
Idineklarang dead on arrival sa Navotas City Hospital ang mga biktimang sina Jhomarie Flores at ang batang lalaki.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa Tondo Medical Center ang mga sugatang biktima na sina Gerardo Garcia, 30 at Cerina dela Cruz, 28 matapos ilipat sa nasabing pagamutan.
Samantala, kinondena naman ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco ang madugong pamamaril kung saan nagpaabot din ito ng pakikiramay sa pamilya ng mga biktima.
Sa inisyal na ulat, dakong alas-8 ng gabi ng maganap ang insidente habang nasa loob ng kanilang tahanan ang mga nasawi sa Bagong Kalsada St. Brgy. Tangos South, nang biglang sumulpot sa lugar ang dalawang salarin.
Agad na pinagbabaril ng mga ito ang tahanan ng mga biktima na nasapul ng mga tama ng bala sa katawan.
Sina Garcia at dela Cruz na mga kapitbahay ng mga biktima ay nakatayo sa tabi ng bahay ay mahagip ng mga bala.
Patuloy naman ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa insidente para mabatid ang motibo at kung sino ang mga suspect.