MANILA, Philippines — ‘Hindi ako makikialam. Hahayaan kong gumulong ang hustisya’.
Ito ang tiniyak ni Justice Secretary Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla matapos madakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA- Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) ang kanyang anak na si Juanito Jose Diaz Remulla III, ng BF Homes Parañaque sa isang operasyon sa Las Piñas.
Nasamsam dito ang nasa P1.3 milyong halaga ng high grade marijuana o kush na galing sa Estados Unidos.
Ayon sa Kalihim na hindi siya makikialam sa kasong kinakaharap ng kanyang anak.
Siniseryoso niya ang kanyang tungkulin bilang ama at Secretary ng Justice at kinakailangang harapin ng kanyang anak ang kaso. Hahayaan din umano niyang gumulong ang hustisya, habang nagpasalamat naman ito sa PDEA sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Mahirap man umano ang pinagdaraanan nila ngayon igagalang nalang niya ang justice system sa bansa.
Patuloy niyang tutupdin ang kanyang sinumpaang pangako nang tanggapin niya ang naturang posisyon.
Nauna nang kinumpirma ni Cavite Gov. Jonvic Remulla sa kanyang Official Facebook Page na pamangkin niya si Juanito at panganay na anak na lalaki ni Sec. Boying Remulla.
Si Sec. Boying ay kasalukuyang nasa Geneva at pauwi pa lamang sa araw na ito.
Ayon sa ulat, dakong alas-11:10 ng umaga noong Martes nang arestuhin sa ikinasang operasyon ang suspect.
Ang parcel na may tracking number CH 170089152 ay galing sa Estados Unidos ay kabilang sa controlled delivery operation sa bodega malapit sa NAIA kung saan si Juanito ang siyang consignee.
Isasailalim sa inquest proceedings ang suspek sa Las Piñas Prosecutors’ Office dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). — Cristina Timbang, Ludy Bermudo at Butch Quejada