Service crew ng fast food, patay sa pulis

Dead-on-arrival sa Chinese General Hospital ang biktimang si Jasper Tapic Dacayo, 30, at residente ng Don Manuel St., Brgy. Salvacion, Quezon City.
STAR / File

Misis ng suspect nabuntis daw

MANILA, Philippines — Patay ang service crew ng isang kilalang fastfood chain nang pagbabarilin ng isang pulis sa mismong bahay ng una sa Quezon City, kamakalawa ng gabi dahil sa selos.

Dead-on-arrival sa Chinese General Hospital ang biktimang si Jasper Tapic Dacayo, 30, at residente ng Don Manuel St., Brgy. Salvacion, Quezon City.

Nakatakas naman ang suspek na pulis na si P/Cpl. Benjamil Romoros Saransaman, nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Holy Spirit Police Station (PS 14), 29.

Kasama nitong umalis sa lugar ng krimen ang kanyang misis na si   Roselita Geroza Saransaman, service crew, at kapwa residente ng Brgy. Culiat, Quezon City.

Batay sa ulat ni Pat. Nestor Ariz Jr. ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), dakong alas-6:15 ng gabi nang maganap ang krimen sa tahanan ng biktima.

Lumilitaw sa imbestigasyon na sina Dacayo at Roselita ay kapwa service crew ng isang kilalang fast food chain sa Timog Avenue, Quezon City.

Bago ang insidente ay magkaangkas umano ang mag-asawang Saransaman sa isang motorsiklo at nagtungo sa tahanan ni Dacayo.

Napagtanungan pa umano ng mag-asawa ang testigong si alyas Ana kung nasaan ang biktima, ngunit maya-maya lamang ay dumating na ito.

Laking gulat na lamang umano ni Ana nang bigla na lang kumprontahin ng pulis ang bagong dating na biktima at sinabing buntis ang kanyang asawa at siya ang ama nito.

Pumagitna naman umano si Ana at sinabihan silang pumasok na sa gate.

Gayunman, bigla umanong itinulak ng suspek ang biktima at saka ito pinagbabaril sa iba’t ibang bahagi ng katawan, gamit ang isang kalibre .45.

Nang makitang duguan na ang biktima ay mabilis nang tumakas ang mag-asawa patungo sa ‘di batid na direksiyon, bitbit ang baril na ginamit sa krimen.

Naisugod naman sa Chinese General Hospital ang biktima ngunit hindi na umabot pa ng buhay.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang mag-asawa upang papanagutin sa krimen.

Show comments