MANILA, Philippines — Dalawang katao na itinuturing na Regional Level Drug suspects at dalawa pa nilang kasabwat ang naaresto ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa buy-bust operation na nagresulta rin sa pagkakakumpiska sa mahigit sa P4 milyong halaga ng high grade marijuana o ‘kush’ sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni QCPD Director BGen Nicolas Torre III ang mga naarestong suspek na sina Mihingold Guina, 23, at Daryl Louie Borgonia, 31, kapwa itinuturing na Regional Level Drug personalities, habang ang kanilang mga kasabwat naman ay nakilalang sina Miriam Doctor, 23 at Fernando Mendoza, 25.
Sa ulat ng pulisya nabatid na dakong alas-7:40 ng gabi nang maaresto ang mga suspek sa isang buy-bust operation sa Valiant St., Brgy. Greater Fairview.
Nauna rito, nakatanggap ang mga pulisya ng tip mula sa isang confidential informant hinggil sa illegal drug activities ni Mendoza sa area ng Brgy. Greater Fairview.
Kaagad namang nagkasa ng operasyon ang mga pulis kung saan isang pulis ang umaktong poseur buyer.
Mabilis na ring inaresto ang mga suspek nang makabili ng P25,000 halaga ng high grade marijuana (Kush) mula kay Mendoza.
Inaresto rin sina Guina, Borgonia, at Doctor matapos na ituro ni Mendoza bilang suppliers umano niya ng marijuana.
Nakumpiska ng mga otoridad mula sa mga suspek ang may 3,160 gramo ng high grade marijuana na nagkakahalaga ng P4,108,000, cellular phone, Honda City, at buy-bust money.