MANILA, Philippines — Tatlo katao na sangkot umano sa human trafficking ang naaresto sa magkahiwalay na entrapment operation sa Quezon City, na nagresulta rin sa pagkakasagip sa limang babaeng biktima.
Sa ulat kay Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Nicolas D Torre III, kinilala ni PLtCol. Rolando Lorenzo Jr., hepe ng District Special Operations Unit (DSOU) ang naarestong suspek sa unang operasyon, na si Wendel Balangatan, 38, ng Novaliches, QC.
Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga operatiba ng DSOU hinggil sa human trafficking sa pamamagitan ng online booking.
Sa tulong ng cyber patrol, nagpanggap na kostumer ang mga operatiba at nag-book sa isang lalaking ‘bugaw’ ng dalawang babae, sa halagang tig-P6,500 sa isang hotel.
Nang magpositibo ang operasyon ay kaagad inaresto ang suspek at sinagip ang 2 biktima.
Sa ikalawang operasyon ay naaresto ang dalawa pang suspek na sina Cindy Salen, 47, ng Brgy. South Triangle, QC; at Florita Vera, 60, ng Caloocan City at nasagip ang tatlong babae.
Nagpanggap umano ang mga operatiba na mga motorista sa Quezon Avenue at pagsapit sa kanto ng Dr. Garcia St., pinara sila ng mga suspek at nag-alok ng mga babae sa halagang P1,000 bawat isa.
Kaagad naman silang inaresto ng mga otoridad.
Ang mga suspek ay nakapiit na at nakatakdang sampahan ng kaukulang mga kaso.