MANILA, Philippines — Nakatakda nang isarado sa daloy ng trapiko ang kahabaan ng Meralco Avenue sa Ortigas, Pasig City simula bukas, Lunes, Oktubre 3.
Batay sa paabiso ng Department of Transportation (DOTr), nabatid na epektibo ang pagsasara ng kalsada sa loob ng anim na taon o hanggang sa taong 2028.
Layunin nitong bigyang-daan ang konstraksyon ng isasagawang civil works para sa Ortigas at Shaw Boulevard Stations ng Metro Manila Subway Project (MMSP).
Anang DOTr, masasakop ng road closure ang front section ng Capitol Commons hanggang sa kanto ng Shaw Boulevard.
Kaugnay nito, pinapayuhan naman ng DOTr ang mga motorista na sundin ang traffic rerouting scheme na isasakatuparan ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Alinsunod sa naturang iskima, ang mga public utility jeepneys (PUJs) na mula Meralco Avenue patungong Shaw Boulevard ay ire-reroute sa Captain Henry Javier St. patungong Danny Floro St. at pabalik habang ang mga modernized jeepneys naman na mula Meralco Avenue patungong Shaw Boulevard ay ire-reroute sa Dona Julia Vargas Avenue patungong San Miguel Avenue at vice versa.
Ang mga UV Express Vehicles/Units na mula Meralco Avenue patungong Shaw Boulevard ay ire-reroute sa Dona Julia Vargas Avenue patungong San Miguel Avenue o Anda Road hanggang sa Camino Verde habang ang mga pribadong sasakyan naman ay maaring dumaan sa alinmang available na ruta.