MANILA, Philippines — Apat katao ang inaresto ng mga awtoridad sa isang entrapment operation sa Quezon City kamakalawa ng hapon, matapos umanong magbenta ng nakaw na motorsiklo online.
Ang mga naarestong suspek ay nakilalang sina Andro Guillermo Tecson, 34; Josephius Guillermo Tecson, 46, CCTV operator; Ronnie Ayala Maniago, 33, at Henry Soria Capillan, 48, buy and sell agent.
Samantala, pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang nakatakas nilang kasamahan na nakilalang si Raymond Mendizal Macabata, 28, dating empleyado ng Country Funders Finance Corp. at nakatira sa Santolan, Pasig City.
Ang mga suspek ay inaresto matapos ireklamo ng kinatawan ng Country Funders Finance Corp. na si Edmar Llona Balag, residente ng Ropali Plaza, Brgy. San Antonio, Pasig City.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD)-Holy Spirit Police Station 14 (PS-14), nabatid na dakong alas-4:30 ng hapon kamakalawa nang maaresto ang mga suspek sa Tandang Sora Avenue, Brgy. Pasong Tamo, Quezon City.
Sa inisyal na pagsisiyasat ni PCpl Juderick Latao, may hawak ng kaso, lumilitaw na bago ang pag-aresto ay nagtungo si Balag sa presinto, kasama ang testigong si Mark Anthony, at inireklamo na nakita umano nila na naka-post at ‘for sale’ na ang motorsiklo na pag-aari ng kanilang kompanya, na una nang ninakaw.
Agad namang nagsagawa ng entrapment operation ang mga alagad ng batas na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga suspek.
Nabawi mula sa mga suspek ang kulay pula at itim na Honda PCX 150CC at may MV File no.1303-00000886369 na nagkakahalaga ng P112,684.
Ang mga suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1612 o Anti-Fencing Law.