MANILA, Philippines — Patay ang dalawang security guard sa isang bahay sa altang subdivision ng Forbes Park sa Makati matapos mag-amok at mamaril ang kanilang katrabaho — ang itinuturong mitsa nito, ang "kawalan ng ulam" matapos ang inuman.
Ito ang sabi ng Makati police sa isang ulat ng GMA News, Miyerkules, nang makapanayam patungkol sa krimeng ginawa raw ng gwardyang si Julius Cortez.
"Noong hapon na 'yon, nag-inuman 'yung suspek kasama yung isang victim," sabi ni Police Col. Edward Cutiyog, hepe ng Makati City police.
"Pagkatapos nilang mag-inuman, may naihain na pagkain nilatag sa mesa. Napansin nitong suspek na yung pagkain lang na nandoon is rice, wala 'yung viand niya. 'Yung ulam. So uminit 'yung ulo niya."
Hindi naman tinukoy kung saang subdibisyon nangyari ang insidente pati na ang may-ari ng bahay bilang paggalang sa kanilang privacy.
Dead on the spot sa pamamaril ang mga bitkimang sina Jay-Ar Tomenio at Eugene Sitjar, na nagtamo raw ng tama ng bala sa ulo at sikmura.
Bagama't tinangka pa raw tumakas sa katabing subdibisyon, naaresto naman si Cortez matapos ituro ng dalawang saking nakakita sa pamamaril.
"Hindi ka na naawa. Binaril mo 'yung anak ko nang walang kalaban-laban," sabi naman ng isa sa mga kamag-anak ng nasawi.
"Dalawa pa ang pinatay mo, hindi kita papatawarin."
Ayaw pa naman daw magbigay ng komento ng suspek patungkol sa nangyari: "No comment ako, sir," saad niya.
Pinaiimbestigahan na raw sa Supervisory Office for Security and Investigation Agencies kung mga lisensyadong gwardya ang mga nabanggit, pati na kung ligal ang paggamit nila ng fire arms. — James Relativo