MANILA, Philippines — Pinawalang sala ng isang huwes ng Manila Regional Trial Court ang dalawang akusado sa umano’y planong pagpapasabog sa lungsod ng Maynila noong taong 2020.
Sa 59 na pahinang desisyon ni Judge Jaime Santiago ng Manila RTC Branch 3, kanya rin ipinag-utos ang agarang papalaya sa mga akusadong sina Alvin Kadil alyas Sinbad at Remedios Habin.
Ipinasasauli na rin ang SUV na pag-aari ni Habin na una nang kinumpiska ng mga awtoridad matapos ang pag-aresto sa kanila noong Enero 05, 2020.
Binigyang-diin ng hukuman ang kabiguan ng pulisya na mapatunayang pag-aari ng mga akusado ang mga sangkap sa pampasabog tulad ng claymore mine, detonating cords, mga granada at baril.
Sinabi ni Judge Santiago na “fishing expedition” ang nangyari sa operasyon na walang kaukulang warrant at inabot pa ng limang oras mula nang maganap ang pagdampot sa mga akusado.
Nabatid na inaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sina Habin at Kadil sa United Nations Avenue nang harangin nila ang isang puting SUV. Lulan ng behikulo ang dalawang suspek na inakusahan noon na mga miyembro umano ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at may natagpuan umano na mga pampasabog.