Vhong Navarro, pinalilipat sa Taguig Jail ng kampo ni Deniece
MANILA, Philippines — Nais ng kampo ni Deniece Cornejo na sa Taguig City Jail na maditine ang aktor na si Vhong Navarro kasabay sa pagkuwestiyon kung bakit nananatili siya sa detention facility ng National Bureau of Investigation (NBI).
Iginiit ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Cornejo, na dapat idetine si Navarro sa Taguig City jail bilang pagsunod sa batas, makaraang masampahan siya ng kasong Rape at Acts of Lasciviousness sa korte.
“Ang batas ang dapat sundin... At nakalagay sa batas, ang procedure diyan, ang taong naaresto para sa kaso na ito ay lilitisin sa lungsod ng Taguig, dapat nakapiit sa Taguig City Jail. ‘Yan ang batas,” giit ni Topacio.
Sinabi pa niya na ang mga puwede lang makulong sa NBI ay ang mga naaresto ‘in flagrante delicto’ o nahuli sa akto sa paggawa ng krimen at iniimbestigahan pa ng NBI.
Matatandaan na naglabas ang Taguig Regional Trial Court Branch 69 ng ikalawang warrant of arrest laban kay Navarro sa kasong rape na walang piyansa.
Kinuwestiyon naman ito ng kampo ni Navarro dahil sa wala umano silang natanggap na commitment order mula sa korte at resolusyon na basehan nito. Nangako sila na maghahain ng petisyon para makapagpiyansa ang aktor at pansamantalang makalaya.
- Latest