50K pupil sa Grade 1-3 sa NCR, hirap magbasa- DepEd
MANILA, Philippines — Aabot sa 50,000 estudyante mula Grade 1 hanggang 3 sa National Capital Region (NCR ) ang hirap makabasa, base sa isang assessment na isinagawa ng Department of Education sa rehiyon.
Base sa survey na iprinisinta kahapon ng DepEd-NCR, sa higit 384,000 learners mula Grade 1 hanggang 3 na dumaan sa comprehensive rapid literacy assessment bago simulan ang kasalukuyang school year, lumabas na may 49,636 learners na maituturing na “total full refresher.”
“So lahat ng ating mga eskwelahan ay patuloy na hinahanap iyong mga non-numerates, non-literates,” ani DepEd-NCR Director Wilfredo Cabral.
Dahil dito ay naglatag na ng learning recovery at continuity plan ang mga paaralan.
Binanggit pa ni Cabral na may sinusunod din umano silang balangkas na ‘LOG IN Plus’, na kumakatawan sa loss, gaps and gains in basic education, kasama ang good practices noong kasagsagan ng purong distance learning.
Tiniyak din ng DepEd-NCR na handa sila sa mandatong full in-person classes pagsapit ng Nobyembre, sa harap ng mga kakulangan sa classroom.
“So some of those schools will be finishing or will be completed by November, but beyond probably deadline of November 2. But, just the same, within the year, all of us can go to full in-person classes,” aniya.
Sa darating na Nobyembre 2 ay inaasahang babalik na sa full in person classes ang lahat ng paaralan upang matugunan din ang learning gaps bunsod ng 2 taong remote learning dahil sa COVID-19 pandemic.
Magugunitang nauna nang sinabi ni DepEd Spokesperson Michael Poa na prayoridad din ng K-12 program review ang foundational at functionaly literacy.
- Latest