Higit 1K sako ng basura nahakot sa Dolomite beach
MANILA, Philippines — Higit sa 1,000 sako ng basura ang nahakot ng daan-daang volunteers na nagtulung-tulong sa paglilinis sa baybayin ng Manila Bay kabilang ang Dolomite Beach sa Roxas Blvd., Maynila kaalinsabay ng International Coastal Cleanup Day kahapon.
Kabilang sa mga nahakot ng mga volunteers mula sa mga non-government organizations at ahensya ng pamahalaan ang mga plastic sachets ng iba’t ibang produkto, tsinelas, plastic bags, at iba pang hindi nabubulok na basura.
Ayon sa Philippine Coast Guard, nag-umpisa ang coastal clean-up dakong alas-6 ng madaling araw at nagtapos ng alas-9 ng umaga.
Kasabay rin nito ang clean-up drive sa mga baybayin naman ng tatlong barangay sa Navotas City na nilahukan ng 150 volunteers.
Isinasagawa ang International Coast Cleanup Day tuwing ikatlong Sabado ng Setyembre para pataasin ang kamalayan sa lumalalang problema sa basura na nakakaapekto sa mga dalampasigan sa buong mundo.
Kilala ang Manila Bay sa napakaganda nitong ‘sunsets’ ngunit nagiging panira naman ang maraming basura na itinataboy sa mga baybayin nito, bukod pa sa polusyon dulot ng langis na nagpapaitim sa tubig.
- Latest