MANILA, Philippines — Tiniyak ni Quezon City Vice Mayor Gian Sotto na tuluy-tuloy ang pagtaas ng bilang ng mga drug free barangay sa lungsod kasabay ng pagpapaigting ng kampanya kabilang ang prevention at clearing operations.
Sa panayam kay Sotto sa kanyang pagdalo sa 100 days before Christmas sa SM North Edsa kasama si Mayor Joy Belmonte, sinabi nito na layon nilang maging drug free city ang QC.
Aniya, nasa 80 barangay na ang drug free mula sa dating 70 dahil na rin sa kanilang mga programa alinsunod sa katusan ni Belmonte. May 142 barangay sa lungsod.
Giit pa ni Sotto, itinuro sa kanya ng kanyang ama na si dating Senador Tito Sotto ang 4 na sistema ng pagtugon sa drug problem na kinabibilangan ng apprehension, prosecution, rehabilitation at prevention. Ang dating senador ang nagsimula ng QCADAC.
Nabatid na dumalo rin ang bise alkalde sa Community Based Drug Rehabilitation Program na naglalayong magbigay ng kaalaman sa pagsugpo sa problema sa droga.
Dagdag pa ni bise alkalde na kailangan lamang ang koordinasyon ng barangay para maipatupad ng maayos ang drug clearing at prevention program ng lungsod gayundin sa pamunuan ng Quezon City Police District sa pamumuno ni Gen. Nick Torre.